Welcome to The Chronicle of Change

The Chronicle of Change is a collection of poetry written since the 1990s. As most of the poems are in hard copy, I will have to encode them one by one, so bear with me. I will be posting them as I go along.

The dates of posting are not necessarily the dates of creation.

I do not and never will claim that they are good, but if you find value in them, I thank you. You are most welcome to comment. I welcome both praise and criticism.

If for any reason you need to quote, lift excerpts, print, publish, or refer to the poems in any way, I would appreciate a note or an email, an acknowledgment of ownership, and an acknowledgment of the website. Intellectual property rights do apply.

Wednesday, April 13, 2011

Sea of Change

Monday, November 17, 2008

Alay sa Choc-Nut


Ang sarap-sarap ng Choc-Nut na ‘to
binubuksan ko pa lang
naglalaway na ‘ko.
‘Di nga magkanda-ugaga
sa pagpunit ng papel na balot e.
Hayun, sa pagkahayok,
tuloy, Choc-Nut muntik nang
malapirot.
Leche!
Kapag lumabas na
ang balot mong palara –
ayan na, malapit na –
alam kong matitikman na rin kita
lasa mong kakaiba.
Diyos ko, salamat talaga!
Dahan-dahan kong bubuksan
makikita ang ‘yong kahubaran.
Haaaay! Langit!
Anong kasiyahan!
Iningatan kong huwag madurog
hinawakang parang itlog
saka inilapit sa bibig ko
ang kaaya-ayang bisyo.
Tangina!
Nalaglag pa’ng isang piraso!
Sayang.
Pupulutin ko na lang.
Aba, grasya rin ‘to ‘no.
Kaya bago pa mangalaglag,
Please lang huwag!
Isinubo ko lahat
buong Choc-Nut!
Kaaakh! Kwaaakh!
Aaakh!
Tuloy, ako'y napaubo,
sa lakas ng pagkakasubo.
Tubig! Tubig!
Dali-dali akong tumakbo
sa kusina para uminom
ng tubig na malamig,
Glug… glug… glug.
Aaaaaah…
Glug… glug…
Uhmmm…

Putang Choc-Nut ‘to
Papatayin pa ‘ko!

- written some time in 1998, published in the anthology called Bubot at Tatlong Dosenang Sundot ng Damdamin, by Finkomarts

This was one of my earliest poems. I've lost all copies of the book and the poem, and I only recently encountered it online when I googled my name. I came across a blog with this poem. Thanks to Ellysa Sy of Caloocan City, who posted it. You can find her post and her blog here.

Who knows, one day this might just become a song. Hahaha!

Incidentally, I think it's worth mentioning that the book, Bubot at Tatlong Dosenang Sundot ng Damdamin, is catalogued in the Ateneo Libraries Union Catalog, archived in Ateneo's Rizal Library. Good to know somebody still has a copy.

Wednesday, September 10, 2008

Ritwal (Para kay Babs)


Hindi sumikat ang buwan sa langit,
nagtago sa likod ng kumot ng gabi,
nakipag-taguampung sa mga gabutil na salitang
sumingaw mula sa makipot na mga siwang

ng aking kamalayan. Hinanap ko sa usok ng ulan
ang bilugang hugis ng buntis para tumiktik
ng sariwang bahay-bata – lahok sa gayumang
ipapampahid sa tigang kong tiyan – upang

gulatin lamang ng katotohanang
katabi ko na ang mapaglarong buwan,
walang belo at matiyagang naghihintay
na pawalan ko ang mga usal na hahagad sa kanya

at magsasabing, “Taya!” (Kapag gising masikip
ang siwang kaya tinatapalan ito ng mga nginangang
dahon para di maghilom.) Nag-usal ako ng dasal.
Umungol ang buwan. Sinimsim ko ang pait saka

idinura ang latak ng damong kanina pa
nginunguya. Pinalapot ko sa aking paanan
ang magkahalong laway, latak at alikabok
saka ipinahid sa likod ng magkabilang tainga.

Natigalgal ang buwan sa ritwal. Umungol
kasabay ng pag-init ng ipinahid na putik.
Hinawakan niya ang aking tiyan at lumuha
sa naramdamang pagkalam nito. “Heto

ang bilugang hugis ng buntis. Samsamin
mo ang tamis at pait ng minsan kong
pagdaplis sa maikli mong buhay.”
At doon nahati ako sa baywang

nilipad ng maiitim kong mga pakpak
habang naiwan ang kalahati ng katawan.

Cannibalism


Sa paghawak
sa armas kong pilit
binabayo
dama ko
pagkaupos ng sigarilyong hithit.
Sa pagningas ng aso
at pag-init ng laman
nararamdaman
pagkaubos ng kaluluwang said.
Bawat ulos
tumatagos
sa diwang nananaghoy.
Mga ungol dumadaloy
sa bawat hinga ng kalul’wa’t
usok na binubuga.
Bawat hampas
umaalpas
urirat.
Mga mata’y di maidilat
sa kahubarang bilad.
Humahagod.
Hininga’y inaanod.
Nalulunod sa kahibangan ng katawan:
Lamang pilit na ninakawan,
sariling katawan pinatulan.

Tuesday, November 27, 2007

Alay sa Patrong San Miguel


I.

Oo, mapait ang beer pero lalagukin ko.
Pagdampi pa lang sa labi ko
nalalasahan na ang bisa ng lasong
iniinom ko. Buti na lang malamig
at nabawasan nang kaunti ang pait.
Sa pag-agos ng cerveza sa aking dila
dahan-dahan ding kumakalat hanggang utak
ang kakaibang lasang nararanasan.
Hayan, tikman mo. Lasapin ang lahat
ng sakit ng mundo. Buti na lang mapakla,
pinaimpis ng laway ang pait, pero sige,
lagok lang nang lagok. Magpakalunod
sa alkohol na nakalalango. Lunurin
ang sama ng loob. Kapag tumagal-tagal
malilimutan din ang sakit ng ulo...
o puso? Ewan! Basta ang alam ko
sa gabing ito tatalikuran ko ang mundo,
ang lahat ng taong pabigat sa buhay ko.
Leche! Tangina nilang lahat! Hala, lagok!
Hayan... medyo gumagaan ang pakiramdam.
Ganyan lang. Sige pa, patugtugin lang
ang samba na sasabayan ko sa kinauupuan.
Puta! Ang gaan ng feeling! Umiinit na rin
ang tiyan, pamalit sa init na dapat sa puso
nararamdaman. Masarap din naman.
At least nalilimutan ko problema ko,
ang mga hinayupak na... hep hep hep!
Teka lang. 'Di ngayon ang oras ng kalungkutan.
Beer pa nga!

II.

San Miguel! Siya lang ang sasantuhin ko
ngayong gabi. Sige pa, yosi! Habang hinihintay
ang pukenanginang beer na... Waiter!
Ah! Salamat. Hayan... sige, ibuhos mo.
Lagyan mo ng yelo. Marami. Ano nga ba
ang kanina kong sinasabi? Ah, santo!
San Miguel! Haha! Si San Miguel na patron
ng mga halang ang bitukang tulad ko.
Kaya kong uminom ng tatlong bote
dire-diretso! Alam mo ba 'yon? Walang puknat!
Without batting an eyelash, 'ika nga.
Tangina, paubos na 'tong pangalawa ko.
Maya-maya oorderin ko na ang pangatlo.
Sa mga panahong gaya nito na walang direksyong
pinatutunguhan ang isip ko, beer lang ang katapat!
'Kita mo, dalawang bote pa lang halos
solved na 'ko. Nalilimutan ko na'ng mga punyetang
problema ko. Hala, sige! Inom! Hithit! Buga! Inom!
Umindak sa samba! Sayaw! Sayaw! Sige pa!
Tangina! Tangina! Putangina! Takot ba 'kong
harapin ang mga problema? Suntukan na lang!
Hahamunin ko silang lahat na nagpapasakit
sa buhay ko! Hahamunin lang naman eh.
'Pag pumalag, ibang usapan na 'yon.
'Pag nandiyan na uurong ka pa ba?
Waiter, beer pa!

III.

Oo, mapait ang beer. Pero sa unang bote lang 'yon.
Sa pangalawa, sa pangatlo, tumatamis na 'to,
parang ang lintik na buhay ko! Waiter, beer pa!
Syet, may beer na pala. Never mind.
Okay na 'to. (Okay na nga ba 'ko?) Uubusin
ko na lang 'to. Pangatlong boteng lalagukin
nang walang puknat. Without batting a fucking
eyelash! Wala nang yelo pero kaunti na lang
naman 'to. Titiisin ko na lang ang cervezang
mainit, kahit mapait. Naglalaway pa rin naman ako.
Siguro 'di ko na mararamdaman ang sama ng loob,
'di na malalasahan ang pait. Ha? Last order na?
Hindi na. Okay na. As far as I'm concerned
tapos na. Tapos na ang gabing ito. Paggising ko
bukas siguro masakit ang ulo ko. 'Di bale.
At least 'yon ang naiisip ko. Hindi ang mga
problema ko. Tapos na rin ang samba.
Nag-uuwian na ang mga customer ng Cafea.
Kasama ko na lang 'tong huling bote ko
ng cerveza, nakapatong sa mesa, naghihintay
na ubusin ko, inumin, lagukin, kahit mapait
kahit mainit.

- written in 1999 at Cafea
Related Posts with Thumbnails