
Hindi sumikat ang buwan sa langit,
nagtago sa likod ng kumot ng gabi,
nakipag-taguampung sa mga gabutil na salitang
sumingaw mula sa makipot na mga siwang
ng aking kamalayan. Hinanap ko sa usok ng ulan
ang bilugang hugis ng buntis para tumiktik
ng sariwang bahay-bata – lahok sa gayumang
ipapampahid sa tigang kong tiyan – upang
gulatin lamang ng katotohanang
katabi ko na ang mapaglarong buwan,
walang belo at matiyagang naghihintay
na pawalan ko ang mga usal na hahagad sa kanya
at magsasabing, “Taya!” (Kapag gising masikip
ang siwang kaya tinatapalan ito ng mga nginangang
dahon para di maghilom.) Nag-usal ako ng dasal.
Umungol ang buwan. Sinimsim ko ang pait saka
idinura ang latak ng damong kanina pa
nginunguya. Pinalapot ko sa aking paanan
ang magkahalong laway, latak at alikabok
saka ipinahid sa likod ng magkabilang tainga.
Natigalgal ang buwan sa ritwal. Umungol
kasabay ng pag-init ng ipinahid na putik.
Hinawakan niya ang aking tiyan at lumuha
sa naramdamang pagkalam nito. “Heto
ang bilugang hugis ng buntis. Samsamin
mo ang tamis at pait ng minsan kong
pagdaplis sa maikli mong buhay.”
At doon nahati ako sa baywang
nilipad ng maiitim kong mga pakpak
habang naiwan ang kalahati ng katawan.
No comments:
Post a Comment